Thursday, November 18, 2004

buntong hininga

hindi pa ata ako nakapag-susulat ng tagalog dito sa blog na ito. pero sa oras na ito, hayaan mo akong kumatha sa kinalakihan kong dila.

malabo! yun ako ngayon. madalas, nakakatawa ang aking pagiging malabo. minsan, ito ay pinagyayabang ko pa. subalit, sa puntong ito ng araw, na parang isang slow motion picture ang takbo, hindi ako natutuwa sa kalabuan na aking hinaharap.

nagtataka ako. sa kabila ng mga magagandang pangyayari sa mga huling araw, may isang malalim na udyok ng damdamin ang hindi maipaliwanag. nanggagaling sa kailaliman ng tiyan at pilit na umaakyat. animo'y isang bulkan na patay na nananatili at hindi gumagalaw. subalit sa katahimikan nito, hindi maitago ang respeto sa nangyayari sa loob nito. sapagkat may init na gustong bumulusok mula sa pusod nito. subalit ang init ay hindi pa sapat upang lumabas sa isang matinding pagsabog.

tama ba yun? parang matumal at walang laman ang aking mga mata sa kulay na inihahain sa akin. nandyan ang rilag ng mga bituin na nanghahalina na tulad ng mga trabahong maari nang pagpilian (sa ngayon, JVP at TM). kung hinahanap ko ay ang kasigurohan, eto na iyon diba? nandyan ang mga dahong kumakaway na nagpapaalala ng mainit na bisig ng taong nagmamahal. kung ang hanap ko ay init ng pakikipag-ugnayan, yun na rin yun diba? nandyan din ang halumigmig ng umaga na tumutumbas ng pag-asa sa bawat sandali ng takot sa nakaraang gabi. kung ang gusto ko ay ang pakiramdam na lahat ay magiging maayos, mao ra na!

walang lasa... mabuti pa nga ang tubig, nakakapatid ng uhaw. ang kawalan ng lasa nito ay isang biyaya sa pagpatid sa uhaw. at kadalasan ang sarap ng pagkain ay nawawalan ng kabuluhan kung tuyo ang laway sa bibig. mabuti pa ang unan, nadadampian ng laway ng isang mahimbing na tulog.

nakakabigla. minsan pala ang buhay ay bigla na lang sasalampak sa mga ngiti at sasabihin niya "hindi lahat ay maayos!" at mistulang isang disyerto ang mararamdaman ng kasukasuan sa init na madarama na ang katumbas ay apoy ng sigarilyong unti-unting nauubos. sa kabila ng animong tuwa at kaganapan, parang isang magnanakaw sa gabi, mawawal ang lahat ng mga ito sa isang iglap. papalit ang kawalan ng loob, pagnanasa sa mga nawala, pagnanais sa mga nandyan na kailan man hindi magiging akin.

tsk tsk. marahil, ito ang paniningil ng isang moro-morong hinayaan kong mabuo sa aking isipan. isang paraan ng pag-angkop sa mga pagbabago na sabay sabay nangyari. o tulad ng talatang ito, ito marahil ay isa na namang pagsusuri ng mga bagay na hindi dapat suriin. isang talastasang walang laman kundi ang kahambugan ng kalaliman ng salita. maaring isang salamin sa laman ng dibdib.

at sa mga panahong ito. walang ibang magagawa kundi hayaang agnasain ng kawalan ang mga agiw ng kalooban. tumitig sa himpapawid at umasa sa hangin na dahan dahang pumapasok sa dibdib, na biglang pakakawalan.

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.